Episode 10. Pamamaalam

Medyo matagal din akong nawala dahil sa napakarami ko na namang pinagdaaanang kung ano-ano.  Pagkatapos ng mahabang Psychological exam noong Mar 4, talaga namang katakot takot na pag-iisip at pagdidiscern at sympre, kasama ang pananalangin ang ginawa ko upang harapin ang katotohanang ito – natanggap ako sa seminaryo at gustong gusto ko na talagang pumasok doon.  

Pero magflashback muna tayo nang kaunti.  March 27, nagkataong birthday ko ito.  Nakatanggap ako ng text message sa isang fellow applicant na nag babackground check na daw si Fr. Dxxx.  Pinuntahan na daw yung mga taga Manila at Bulacan so malamang, sa Batangas area naman daw siguro ang target dahil tatlo kami from Archdiocese of Lipa. 

Dahil dito, kaagad-agad akong nakipagappointment sa aking Dean upang sabihin sa kanya ang mangyayaring background checking.  Baka kasi magulat sya pag may dumating biglang pari na nagtatanong-tanong tungkol sa akin eh wala naman syang kaalam-alam sa aking plano.  Nagkaroon kami ng maayos na pag-uusap. Medyo napaluha pa nga si Sir kaya’t ako’y napaiyak na rin (haha) at sinabing ako daw ay suportado niya sa aking balak. Wala daw akong aalalahin sa kanya kung may paring pupunta sa kanya para magtanong tungkol sa akin. 🙂

March 28, A.M., napakaulan… Nakareceive ako ng tawag sa intercom.  Yung kaibigan kong administrator, binalita sa akin na nakausap na daw sya ni Father, parang umiiyak sya (wag kang tatanggi, dahil obvious. haha) nakausap din daw yung isang faculty member at yung secretary nya at sabi daw sa kanya eh pupunta naman daw sa bahay para kausapin ang nanay ko.  Pero kahit may oras pa, di na ako tumawag sa bahay para warning-an sila.  Gusto ko kasing maging spontaneous ang sagot nila duon sa mga tanong ni Fr. Dxxx.

March 29, umaga ulit.  Nakatanggap ako ng LBC mula sa seminaryo na nagsasabi na ako daw ay tanggap na at nakalagay na rin ang mga requirements na dapat kong iaccomplish bago ang entrance day sa May 20…  Tuwang tuwa ako!  Pero natigilan din ako sumandali… Totoo na ito.  Magkahalong saya at lungkot ang aking naramdaman.  Sabi ko sa sarili ko, kailangan ko talaga ng panahon para makapag-isip-isip. Nagkataon namang maghoholy week kaya may panahon akong magnilay at magdasal.  Salamat sa Diyos at ako’y kanyang binigyan ng kaliwanagan.  Noong April 12, nagpasa ako ng resignation letter sa dean at magaan naman ang loob ko nang ito’y aking ginawa.  Nawala na ang bigat ng kalooban dahil kalakip ng sulat na iyon ay ang napakaraming sakripisyo at mga bagay na dapat kong i-let go.  Unang una, ang aking posisyon na hinawakan ko sa loob ng siyam na taon at pansampung taon na sana next year kung di ko ginive-up.  Sa susunod na taon din ang ika – 10 anibersaryo ng aking departamento at napakarami ko nang naiplanong mga activities para dito.  Napakahirap ang gagawin kong paglisan ngunit kinaya ko.  Salamat sa Diyos. 🙂

Nai-post sa Vocation Discernment | 3 mga puna

Lesson 1. Paano ako naging guro

Lumaki ako sa isang pamilya kung saan, halos pagiging guro lamang ang alam na propesyon.  Haha. Napakahaba ang magiging listahan kung iisa-isahin ko ang hanay ng mga guro sa aming angkan simula pa sa aking kanunununuan.

Nung maliit pa ako, palagi akong isinasama ni nanay sa school kung saan siya nagtuturo at kinakitaan na ng kabibuhan ang inyong kaibigan bata pa man ako noon.  Kagaya nang pag nagfa-flash cards ang nanay ko, ako ang sagot nang sagot kahit na hindi pa ako nagsisimulang pumasok sa formal schooling noon at mas matatanda sa akin ang mga estudyante ni nanay. haha.

Hanggang sa pumasok na ako sa pag-aaral.  Fast track na atin ang kwento papuntang high school. haha.

Nung high school, sumali ako bilang volunteer catechist sa aming paaralan.  Marami-rami rin akong narating na public schools sa apat na taong pagiging katekista.  Sa G.B. Lontoc Elementary School, Sa Adya Elementary School, sa Pangao Elementary School, lahat sa Lipa City at ang last stop ko eh sa Santolan – Manggahan Elementary School (ito ang pinakamalayo – malapit na sa lawa ng Taal).  Napakaraming magagandang experiences at challenges akong naencounter dito.  Sympre, unang unang problema ay kung paano mo  kukunin ang interes ng mga bagets para makinig sa iyo, pangalawa eh kung papaano mo kokontrolin ang kakulitan ng mga bubwit. haha.

Pero bagama’t napaka-tasking at kumakain ng maraming oras ang volunteer work, rewarding pa rin ang experience kasi kahit papaano, natuturuan namain yung mga bata ng mga basic prayers, kinukuwentuhan ng biblical stories, kumakanta ng mga action songs, at sympre, walang katapusang palaro (kung gusto mong maging in ka sa mga bata – haha).

Tapos eto na ang turning point sa aking buhay… at ang tunay na naka-motivate sa akin para maging isang titser.  Isang araw, habang ako’y nagmamadali papunta sa library para sa ipho-photocoping mga hand-outs, may nakasalubong akong maliit na bata sa walkway (fourth year HS na ako nito).  Malayo pa ay nakita ko nang nakangiti sa akin ang batang ito (first year HS siya, pero may kaliitin sya sa kanyang edad kaya bata ang tawag ko – haha) na masasalubong ko papuntang library.  At nung kami ay within talking distance na sa isa’t isa, nagsalita ang bata “kuya, kayo po yung teacher namin sa Religion sa Pangao” ako’y nagulat, sabi ko, “Ay, oo nga, natatandaan pa nga kita (kahit hindi na – haha).  “Magvovolunteer din po akong katekista, kuya” dagdag ng bata.   Talaga namang nung narinig ko yung sinabing yon ng bata, ewan ko ga, parang may kakaiba akong naramdaman… Ako’y tuwang-tuwa at siguro kahit naman papaano’y isa ako sa mga naka-impluwensya sa batang ito para sundan ang aking mga yapak! (Wag sana maligaw ng landas ang bata – haha).  Naging mabisa siguro ang ginawa kong pagtuturo kahit papaano at naengganyo ang batang iyon na maging isang volunteer catechist din.

Tumimo ang bagay na iyan sa aking isip at isa sa mga dahilang madalas kong maibulalas pag ako’y tinatanong kung bakit gusto kong maging guro. 🙂

Noong ako’y nasa kolehiyo na, bagama’t di naman Education ang kursong kinuha ko at communication arts,  nagkaroon pa rin ako ng pagkakataon para maisingit ang pagtuturo sa aking schedule.  Nagvolunteer ulit akong katekista sa UST Parish (pero sandali lamang ito).  Nagturo ako mga 2 sessions lang siguro sa Claro M. Recto Elementary School malapit sa Espana St.  nakadalawang sessions lang yata ako – haha.

Hanggang sa makagraduate nga ako ng kolehiyo.  Pagkatapos ng graduation, umuwi na talaga ako sa Lipa at duon na nagapply.  Unang aplikasyon ko sa trabaho, sa Kolehiyong Berde agad ako nagapply.  At biruin mo, ang aking suwerte, natanggap naman ako!  Una ko talagang binalak na magapply sa HS department bilang isang English teacher pero sabi sa HR, mas bagay daw ako sa college kasi wala pa naman akong LET noon.  Ayon, nagtuloy tuloy na ang aking pagtuturo hanggang sa di ko namalayan, naka-13 taon na pala ako at still counting….

“A teacher affects eternity; he can never tell where his influence stops.”  – Henry E. Adams

 

Nai-post sa Kwentong Guro | Tagged , , , , , | 3 mga puna

Episode 9. Ang Mahabang Eksamen

Ang mga huling araw eh naging napakatoxic na naman para sa akin.  As usual, hanggang leeg na naman ang mga deliverables at mga pending documents at reports na dapat asikasuhin.  Pero dahil inspired talaga ako magsulat sulat ngayong mga nagdaang araw, humanap pa rin ako ng pagkakataon para makapagpost ng bagong entry. Haha.

Nung linggo (march 4), muli akong nagbalik sa seminaryo para sa psychological exam.   Medyo ngarag ako dahil tinanghali ako ng gising! Dagdag pa dyan ang matagal na pagpila ng bus sa terminal sa Lipa at ang bagong regulasyon sa speed limit na ipinatutupad ngayon sa SLEX.  Dahil sa mga yan, dumating ako sa may Makati ng mga alas ocho (alas ocho ang schedule ng exam – haha) talaga namang hangos na hangos ako sa pagtakbo at dahil sa aking pagmamadali at halos paglipad para umabot sa oras, dumating ako sa pintuan ng seminaryo ng mga 8:15 at tumuloy na sa kwarto kung saan isinasagawa ang eksamen.

Pagpasok ko ay kaagad ako naupo (humihingal pa ako ih. haha) upang makapagpahinga nang konti at nagobserve sa mga kasama kong examinees. Nagulat ako dahil mula sa 23 aplikante nuong nakaraang vocation seminar, 8 na lang kaming natira! at yung ibang inaasahan kong makikita sa exam eh wala na. 😦  Saglit lang at lumapit na si ma’am proctor upang ibigay sa akin ang questionnaire at answer sheet para sa unang bahagi ng exam.

at nagsimula na akong magbasa at magsagot, at magsagot, at magsagot.  Grabe, parang energizer batteries (panuorin mo muna ang commercial na ito ng energizer nuong early nineties yata – haha.) lang ang exam, it keeps going, and going, and going…. and going…. haha.

Nakakatuwa dahil sa walo, tatlo kaming taga Archdiocese of Lipa (yown naman! haha).  Dahil sa binilisan ko ang pagsasagot, mga lampas alas dos pa lang eh tapos na ako,  Ako ang kaunaunahang nagpasa ng papel.  Kinakailangan ko kasing umuwi ng maaga dahil may mga tatapusin pa akong trabaho para sa Monday.  Ito na ang last stage sa admission process ng seminaryo.  🙂

Dahil psychological exam ito, minemeasure ang iba’t ibang dimensions ng personality ng isang kandidato para idetermine ang fittedness nito sa pagpasok sa seminaryo at sa pamumuhay kasama ng isang community.

Pagkauwi ko sa bahay, pagkatapos ng dinner, nagkaroon ako ng pagkakataon na ibulalas sa aking ina ang aking planong pagpasok sa seminaryo.  Ngayon ko pa lang sasabihin ito sa inay dahil sa usap-usapan naming mga aplikante habang nagbebreak kami, na ang susunod daw na step kung tanggap kami eh ang “home visit” ng mga pari sa seminaryo para magbackground check.  Ayaw ko namang gulatin ang mga tao sa bahay kung sakasakaling may magbabackground check nga (haha).

Bumwelo muna ako at di ko talaga agad madiretsa… Sabi ko, “ma, meron akong sasabihin….”  Ano ba yon? sabi ng nanay ko. “meron akong sasabihin…” sabi ko ulit.  Ano nga? sabi ng nanay ko, “Magaasawa ka na?” tanong niya.  Biglang pasok ng nakatatanda kong kapatid na babae. Sabi ng nanay ko, “ayan, may sasabihin daw yang kapatid mo”.  Sunod sunod na ang tanong, “mag-aasawa ka na?”, “nakabuntis ka?” Ako’y medyo natatawa sa dalawa habang nagtatanong dahil masyado namang napakaspeculative ng kanilang mga tanong haha.  Pero nasabi ko rin, “magpapari po ako…”.  Nung sinabi ko yung mga linyang yon, mula sa natatawa, biglang naiba ang mood ko, biglang naging seryoso at medyo napapaiyak pa ako (drama na naman – haha).  “kaya napapadalas ang pagluwas-luwas ko, eh nagaaply po ako sa seminaryo” sabi ko.

Nakita ko na wala namang bakas ng pagtutol sa mukha ng aking ina nung sinabi ko ang plano ko sa kanya.  Sabi pa nya, “kung diyan ka magiging masaya, ay sumige ka…. at pag ako’y nawala, isusulit ko sa Diyos, na ako’y may anak na magpapari…”  Mangilid-ngilid na naman ang luha sa mga mata ko kaya’t ako’y umalis na sa kusina at nagtungo sa kwarto.

Ang sa akin lamang, makapasa man ako o hindi sa eksamen na ito na talaga namang ubod ng haba (haha), ang pinakamahalaga ay sinubukan ko at kumilos ako upang tumugon sa munting tawag na aking narinig sa kaibuturan ng aking puso at laging ang hanap ko naman ay makasunod sa kalooban ng Diyos at makapamuhay bilang isang matapat na alagad kung saan mang estado ng buhay Niya ako tawagin.

Sabi nga sa kanta:

Panginoon, narito ako…. Gawin Mo sa akin ang maibigan Mo… Handa akong sundin ang loob Mo…. Panginoon, narito ako….

-AMDG-

Nai-post sa Vocation Discernment | Tagged , , , | Mag-iwan ng puna

Episode 8. Live-in Vocation Seminar

Medyo natagalan din bago ako makasulat ng bagong post dito sa blog.  Masyado akong nabugbog sa trabaho at sa mga deliverables na dapat tapusin matapos ng halos dalawang linggong pagkawala sa opisina.  Pero, at least, nagawa ko naman lahat ng mga trabahong iyon at ngayon nga ay nagpupuyat na naman at nilalamay ang schedule ng klase para sa 1st semester.  Haaayyy.  Balik tayo sa Live-in Vocation Seminar na naganap noong Feb. 24 – 26 sa Seminaryo.

February 23.  Bisperas ng aking Live-in seminar.  Papaalis na ako ng opisina para sa emergency meeting ng aking kinabibilangang Professional Org sa UST upang ifinalize ang mga detalye ng National Conference na aming inoorganisa sa unang linggo ng Marso, eh isang katutak na papel galing sa iba’t ibang tao ang tumambad sa akin.  Nariyan ang schedule na dapat tapusin, ang quarterly report na dapat ipasa, thesis na dapat i-edit, etc.  Parang ayaw ko nang umalis sa dami ng aking maiiwang trabaho.   Alas 6 ng hapon ang meeting kaya’t  kailangan kong umalis nang maaga-aga sa opisina dahil mga 2 oras din ang biyahe mula Lipa hanggang UST.  Medyo napaaga ang dating ko, nasa UST na ako mga 5:15 ng hapon kaya nagpunta muna ako sa chapel para magdasal.  Tama namang may misa, kaya lang huli na ako.  Ang maganda eh merong confession, kaya sinamantala ko nang mangumpisal (nagkataon nabosesan ko ang pari, si Fr. Rodel Aligan, dating regent namin sa faculty of arts and letters – sympre, di ko na isheshare ang kinumpisal ko – sa amin na lang yon ni father! haha).

Pumunta na ako sa yellow cab (sa may Lacson st.) kung saan naghihintay ang aking mga kameeting.  Medyo natagalan ang meeting, inabot ng hanggang mga lampas alas otso.  Buti na lang at may dalang sasakyan yung isa naming kasamahan at nakihitch na lang ako at yung isa pa naming kasama na madre papuntang Buendia.   Nakarating ako sa bahay before 11 pm.

11 pm.  Nagonline muna ako para tapusin at eemail ang dalawa sa mga deliverables ko 1) ang thesis ng mga estudyante na kailangang iedit at 2) ang quarterly accomplishment report para sa Dean.  Inabot ako ng alas dos ng umaga kakatype.  Pagkatapos, plinancha ko pa ang mga damit na gagamitin ko sa 3 araw na vocation seminar.  Halos alas 3 na ako nakatulog.

4:30 am.  Ako’y gumising.  Di masyado maganda pakiramdam ko at ako nga’y di na masyadong sanay magpuyat.  at around 5:30 am, nakasakay na ako ng bus papuntang Makati.   7:30 am, dumating ako sa seminaryo. May misa sa chapel kaya’t sa labas na lang muna ako naghintay habang nakikinig sa misa na nagaganap sa loob. 8:00 a.m., Registration tapos breakfast tapos itinuro na sa amin ang mga kwarto kung saan kami mag-stay for 3 days.   Pagkatapos interview naman sa human formator, masakit talaga ang ulo ko buti na lang nakasagot pa rin ako nang maayos.  Tapos may interview din sa isang priest formator, etc. etc.  Hindi ko na idedetalye ang lahat ng mga naganap at masyadong mahaba.   Ikukuwento ko na lang ang aking mga naramdaman habang ako’y nasa loob ng seminaryo.

Ang di ko talaga makakalimutan eh tuwing oras ng dasal.  Talagang hindi ko maipaliwanag ang kapayapaan ng damdamin at ang lubos na kagalakan na naguumapaw sa aking puso sa mga oras na iyon ng pakiipagniig sa Diyos.  Laging mangilid ngilid ang luha ko tuwing nagdadasal at may kagaanan ang aking kalooban kaya’t tila bang ako’y lumilipad sa alapaap; lalu na sa oras ng komunyon at sa eksposisyon ng Blessed Sacrament.

Na-appreciate ko rin ang community life ng mga seminarista.  Para talagang isang pamilya, lahat pantay pantay, at masasayang naglilingkod sa Diyos.    Lahat halos ng mga ginawa namin ay naging memorable para sa akin kahit na ang manualia at laborandum (haha).

Tapos yung pinakafinale ng programa bale, third day na yon eh yung oras na kinakailangan naming magsindi ng kandila sa harap ng isang Krus at sasabihin namin kung kami ba ay tutuloy o hindi sa aming bokasyon sa pagpapari.  Sa mga oras na iyon, talaga namang marami sa aming mga aplikante ang nagsimula nang umiyak. Di ko na rin napigil ang sarili ko sa pagluha.  Grabe ang experience na ito…. Napakaheavy sa puso (buti di ako inatake – haha).  Tapos nung turn ko na, nagsindi ako nang kandila, tapos umupo ako dun sa silya at eto lang ang aking nasabi…

I have searched for the Lord and I think I found Him here….  And if it is His will that I become a priest, then, here I am Lord to do Your will…

Hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng aking mga sinabing ito, pero yun talaga ang naramdaman ko nung mga oras na iyon.  Pagkatapos ng programa, kami ay kumain na ng tanghalian at sumunod naman dito ang closing liturgy sa harapan ng seminaryo at kaming mga aplikante ay nangagsiuwi na.  Bago kami umuwi ay kumanta ang mga seminarista ng “Pagkakaibigan” (eto yung video sa taas – hehe).  Grabe ang ganda ng kantang ito damang dama ko ang presensya ni Kristo sa aking buhay, lalu na dun sa mga lines na “Pinili ka’t hinirang, upang mahalin… nang mamunga’t bunga mo’y panatilihin… Humayo ka’t mamunga ng masagana… Kagalakang walang hanggang ipamamana…” parang send-off papunta sa isang missionary work ih.  Baga ma’t may damdamin ng panliliit, at pakiramdam ng di pagiging karapat-dapat,  nakaramdam ako ng kaligayahan sa aking puso – na sa aking maliit na pamamaraan ay sinubukan kong tugunin ang kanyang tawag.

Dito natapos ang napakamemorable na 3 araw ko sa seminaryo.  Padadalhan na lang daw kami ng sulat within the week kung kami ay nagqualify para sa psychological exam.  At akoy umuwi na at halos tulog na tulog sa buong biyahe sa bus pabalik nang Lipa dahil sa pagod.

Lunes, Feb.27, 3:06 nang hapon, nakatanggap ako ng isang text message at ito ang laman…

Congrats! Pls report at xxx Seminary dis Sunday, Mar 4, 8 am for your psychological test. Prepare 1,500 for testing fee.  Thank u.  -Ate xxx.

Napalundag ako sa saya!  Luluwas na naman ako sa Linggo para malaman ang kalooban ng Diyos para sa akin. 🙂

Nai-post sa Vocation Discernment | Tagged , , , , , , , , , | 4 mga puna

Episode 7. Mga Alaala ng Paglisan: Kwentong OFW

Sa di na rin naman iilang pagbibiyahe ng inyong katoto, marami-rami na akong mga tao, pangyayari, bagay at eksenang nasaksihan sa mga nasabing paglalakbay.  Nariyan ang makakita ng mga giant pandas sa Hong Kong na tunay ko namang ikinasiya (dahil sa parang tuwang tuwa din sila sa akin – nakakita siguro sila ng kagaya nila dahil mukha akong panda? sa isip-isip ko. haha), ang parang tinatamad na buddha (dahil nakahiga sya) sa Thailand, ang guho ng simbahan sa Macau, ang dambuhalang Ferris wheel sa Singapore(di ako sumakay at baka ako maliyo haha), ang pino at puting-puting buhangin ng Boracay; makakain ng masarap na bagnet (eto pinakagusto ko – pampabata at pampahaba ng buhay – haha) at empanada sa Vigan, sundot kulangot sa Baguio, piayaya sa Bacolod, tupig sa Pangasinan, bumili ng tubao at malong sa Davao, at marami pang iba.

Reclining Buddha

The giant Reclining Buddha at Wat Pho. Photo Jan Koch.

Pero ang di ko talaga malimutan ay noong ako ay nagtungo sa Singapore taong 2009.   Anim na araw rin ako, kasama ng aking mga estudyanteng namalagi sa maliit na bansang yaon.  Napakaganda at napakalinis ng Singapore.  Salamat sa maayos na pamamalakad ng kanilang gobyerno (calling P-noy) at sa disiplina ng mga Singaporeans – calling all PINOYS! haha).  Pero di tungkol dyan ang kwento ko haha.

Eto na ang tunay na kwento. haha. Nung papauwi na kami sakay sa eruplano, sa pagkakatanda ko, halos dalawang oras siguro ang biyahe mula Singapore patungo sa Manila. Wala namang masyadong kakaiba sa halos kulang-kulang na dalawang oras na pananatili sa eruplano maliban sa paminsan-minsang paghihilik ng katabi ko. Pero nung malapit nang maglanding ang eruplano sa NAIA, isang bagay ang nakagulat sa akin, nakapagdulot ng kilabot sa buo kong kalamnan at nakapagpatulo ng aking luha (hindi ako masyadong iyakin, pero ako talaga’y napaiyak).  Isang grupo ng mga OFW, malapit sa aking kinauupuan ang biglang nagsitayuan at nagpalakpakan at ang iba pa nga ay maluha-luha.  Kitang kita ko talaga at damang dama ang naguumapaw na kaligayan sa kanilang mga mukha.  Marami siguro sa kanila ang magbabalik-bayan matapos ang matagal-tagal ding pagkawalay sa kanilang mga mahal sa buhay – mga anak, asawa, at magulang na iniwan sa paghahangad nilang makapagbigay ng maayos ayos na buhay sa kanilang mga minamahal.

Nakadama ako ng magkahalong saya at lungkot.  Lungkot, dahil nakakaiyak talaga ang eksenang iyon (daig pa ang teleserye ih) at saya (bilang pakikiisa sa kanilang kasiyahan).   Pero di pa dyan natapos ang lahat.  Dahil una kong pagbibiyahe palabas ng bansa, nuong unang tuntong ko sa arrival area, kung saan naghihintay ang mga kamag-anak na sasalubong sa kanilang mga mahal sa buhay na galing sa abroad, nakadama na naman ako ng kakaibang kilabot nang makita ang mga mukha ng mga sasalubong na kitang-kita mong sabik na sabik na makita ang kanilang mga mahal sa buhay na OFW, meron  pang may mga dalang placards para madali silang makikita ng kanilang mga hinihintay.  Napaiyak na naman ako eh… Iniisip ko, kung ako nga, masyadong affected sa mga pangyayaring yoon yun pa kayang mga OFW na kasabay ko? Grabe talaga ng feeling… Di ko maipaliwanag at talaga namang tumimo ang mga eksenang yuon sa isip ko at lagi kong nakukuwento tuwing mapapag-usapan ang mga OFW.

Ako rin, gaya ng mga OFW na yon, maraming mga mahal na iiwan, kung saka-sakaling matutuloy sa aking pagpasok sa seminaryo.  Sana’y kayanin ko 😦

Nai-post sa Vocation Discernment | Tagged , , , | Mag-iwan ng puna

Episode 6. Liham buhat sa seminaryo part 2.

English: This photo is of the Manila NAIA Intl...

Image via Wikipedia

Linggo.  Maaga pa, excited na ako umuwi para makita ang napakahalagang liham mula sa seminaryo (Pero O.A. namang sabihin na yung liham lang ang gusto kong uwian, sympre gusto ko na ring umuwi kasi namimiss ko na mga tao sa bahay at ang mga trabaho ay pihong nagtambak na sa table ko haha).  Maaga akong nagcheck-out sa hotel at talaga namang halos hilahin ko na ang mga paa ko papuntang airport.  Bagama’t 11:30 pa ang alis namin papuntang airport (1:45 pa kasi ang flight namin), 9:00 am pa alang eh nasa lobby na ako ng hotel para hintayin ang van na magshushuttle sa amin papuntang airport. Nasabihan tuloy ako ng isa sa mga delegado sa festival na “Excited na sir umuwi, hehe”.

Ayan na, dumating na kami sa airport at naghihintay sa pagdating ng eruplanong aming sasakyan. Mayamaya inanounce sa P.A. na delayed ang flight (Nampucha!).  At atrasado na nga ng isa’t kalahating oras ang pagdating namin sa Manila.   At di pa dyan natapos ang nakakabad trip na biyahe.  Medyo nagtagal ang eruplano sa ere (55 minutes lang ang biyaheng Bacolod – Manila, pero parang napansin ko, inabot kami ng halos isa’t kalahating oras sa himpapawid – at naging malikut na ang isip at imahinasyon ko – pano kung madivert ang flight na ire sa Clark? haha).  Medyo heavy yata ang air traffic sa NAIA kaya di agad nakapag landing ang eruplano sa terminal 3.  Mga 4:30 na noon  (eh dapat 2:45 ang arrival namin sa NAIA).

Dumating kami sa Lipa mga 6:30 na, kaya’t di ko na napuntahan sa office ang liham.  At ngayon, Lunes ng umaga, narito ako sa office at binuksan ang liham (excited!) at eto ang laman ng liham.

Letter Head ng Seminaryo

January 24, 2012

Dear Mr. xxx,

Greetings of Peace!

In view of the favorable evaluation of your participation in the last “search-in” you are qualified to attend the 3-day live-in vocation discernment seminar on Feb. 24, 25, 26, 2012 here at the xxx Seminary.

This is the final and most important phase of the Seminary’s Admission Program.  In this phase, you will observe and actually live with the Seminary community, and in the process, make a self-evaluation of your fitness for a life-time service to God and His people.

Please check in at the seminary not later than 8:00 o’clock in the morning of Feb. 24, 2012 (Friday).  Bring along clothes good for three days, sports wear, rubber shoes, collared shirt, toilet articles and cash amounting to ONE THOUSAND TWO HUNDRED PESOS (P 1,200.00) to defray board and lodging expenses.

With every best wish, I remain,

Sincerely yours,

Rev. Fr. xxx, Vocation Director

Ecstatic na naman ako.  Pero natigilan din at napaisip.  Para dito ba talaga ako sa buhay na ito?  Pero nasabi ko sa sarili ko, sige, subok pa ulit.  Bahala na ulit si Lord. Kaya’t pupunta muli ako sa seminaryo para tuklasin ang kalooban ng Diyos para sa akin. 🙂

Nai-post sa Vocation Discernment | Tagged , , , , , , | 3 mga puna

Episode 5. Liham buhat sa Seminaryo

Nandito ako sa Bacolod ngayon para sa isang misyon (haha – di naman talaga misyon, uma-attend lang ako ng film festival).  Habang inaaliw ko ang sarili ko sa panonood ng mga Visayan short films (Hindi ako marunong magbisaya, merong subs ang mga pelikula buti na lang) ay nakatanggap ako ng text message mula sa aking ka-co-teacher “May dumating na letter para sa iyo mula sa xxx Seminary”.   Kinabahan ako, ito kasi yung letter na magsasabi kung nagqualify ako sa next stage ng admission process.  Naexcite tuloy ako umuwi eh linggo ba ang balik ko sa Batangas. haha.

Pero kung ano’t ano man ang laman ng liham na iyon na nagpaexcite sa akin, babalitaan ko agad kayo sa lunes… Bahala na si Lord.  🙂 Sa ngayon, ieenjoy ko muna ang mga pelikula at pagkain (ang sarap ng pagkaing Bacolodnon – lalo akong tataba nito eh).  🙂

Nai-post sa Vocation Discernment | Tagged , , , | Mag-iwan ng puna

Episode 4. Ang mga pine trees sa paaralan

English: Pine trees near Blawearie.

Image via Wikipedia

Ngayong madaling araw na ito (oo, inabot na ako ng madaling araw kakalaro ng tetris kanina – haha) magsesenti naman ako nang konti para maiba naman.  At ang buhay naman talaga ay di lang puro saya, palagi ring may mga malulungkot na episodes, dahil may mga bagay kang inaalalala, binabalik-balikan at hindi makalimutan lalo na kung mawawala o aalis ka na.  Mga bagay na napamahal na sa iyo, naging bahagi na ng buhay mo – mga bagay na mahirap i-let go (aaayyy).  Malungkot talaga ang bawat pagpapaalam.

Siguro pag umalis ako dito sa present work ko (Ang paaralang kulay luntian dito sa bahaging ito ng Batangas), marami akong mamimiss at talaga namang laging sasagi sa aking gunita kahit ako ay malayo na.  Nariyan ang aking koleksyon ng mga libro, na matagal tagal ko ring pinaglaaan ng oras, pera, at atensyon, nariyan din ang aking vcd/dvd collection ng mga paborito kong pelikula at sympre, ang aking opisina na naging kanlungan ko sa loob ng 9 na taon ng pagiging tagapamuno ng aking departamento (pero 13 taon na ako sa luntiang paaralan kung susumahin lahat lahat).

Ang aking opisina  at ang mga kwartong kasama nito, na masasabi kong bahagi na ng aking pagkatao sapagkat ang mga ito ay pawang ekstensyon na ng aking sarili (tumulong ako sa pagdidisenyo ng opisinang ito at ako ang nagdisenyo ng lahat ng mga kagamitan, mula hanging cabinets, shelves, mga lamesa at mga upuang gagamitin ay ako ang pumili).  Ang mga ito ang naging saksi sa aking pagpupunyagi bilang isang guro sa nakalipas na 13 taon (ka-drama laang haha).

Pero higit sa lahat, ang hindi ko makakalimutan at maaring palagi kong hanaphanapin ay ang mga kabataang nakasalamuha ko sa nakalipas na 13 taon ng paghuhubog.  Marami na sila.  Siguroy nasa libo na ang kanilang bilang sa ngayon.  Marami sa kanila ay natatandaan ko pa, ngunit mayroon ding ilang-ilan na nakalimutan na (wag kayong magtampo, mahirap magkabisa ng libo-libong pangalan at mukha).   Siguro ang kaibahan ng pagiging guro sa ibang mga propesyon at trabaho ay yaong sa propesyong ito, marami kang nakakasalamuhang kabataan na may iba’t ibang background, may iba’t ibang personality na talaga namang magiiwan ng permanenteng impresyon sa iyo (may estudyanteng sobrang bait, mayroong napakatalino at talented, at sympre, may mga walanghiya rin – haha at maaalala mo sila dahil sa mga katangian nilang iyan na maaring nagpasaya sa iyo, nagpasakit ng iyong ulo o naging daan para ikaw ay mas ma-challenge at kung ano ano pa) Kaya lang, napakatransient ng mga bagay bagay, sa propesyon ng pagtuturo, ang lahat ay nagdadaan lamang.  Ang mga estudyanteng itinuring mo na halos mga anak, magpapaalam makalipas ang apat na taon ng paghuhubog at pagkakandili.

Ngunit tulad ng isang tunay na magulang (pangalawang magulang lang kasi ang mga guro ng mga bata), bagama’t may lungkot at agam-agam sa bawat pagpapaalam, hindi mo pipigilin ang mga kabataang ito bagkos ay magkakaroon ka pa ng sense of fulfillment at kaligayahan sapagkat naihanda mo sila at nabigyan ng pakpak upang liparin at abutin ang lawak ng kanilang mga pangarap.

Tanda ko pa, nuong una kong pagdating sa paaralang ito na talagang aking minahal, nasabi ko sa sarili ko, I’m finally home (dito rin kasi ako naghigh school) at naibulong ko rin sa aking sarili na dito na ako aabutin ng retirement.  Katatapos ko pa lang sa kolehiyo nuon.  Bago pa lamang nadedevelop ang paaralan.  Naging agresibo ang administrasyon na gawing isa ito sa pinakamahuhusay  na kolehiyo sa buong southern tagalog region.  Nagkaroon ng massive infrastructure development, maraming mga gusali at pasilidad ang ipinatayo at sympre, kasama ang pagpapaganda sa physical plant sa pamamagitan ng pagpapatayo ng magagandang hardin at pagtatanim ng mga puno at halaman – kasama na riyan ang mga pine trees na nakahilera sa driveway ng paaralan.  Nuong ako’y dumating, bagong tamin pa lamang ang mga punong ito at masasabi ko na talagang bata pa base sa mura nilang mga katawan at sanga.  Siguro’y mataas taas lamang sa akin ng ilang pulgada ang pinakamalaki sa siguroy 8 – 10 nakahilerang mga pine trees (di ko kabisado ang eksaktong bilang nila).  Ngunit sa nakalipas na 13 taon, sa araw araw kong pagdaan sa driveway, nasaksihan ko rin kung paano nagsilakihan ng mga nasabing puno na ngayon nga’y animo mga higante na nakapila sa driveway sa taas at yabong ng mga dahon. Siguroy nasa 15 – 20 feet na ang bawat isa.  Hindi ko halos maisip na napakatagal ko na palang panahong nagpapabalikbalik sa driveway na iyon na dahil sa nasisiyahan ako sa ginagawa ko ay halos di ko na namalayan ang paglipas ng mga araw at mga taon.   Masasabing representayon din ng aking naging pag-unlad at pagyabong ang mga nasabing puno.  Sapagkat sa nagdaang panahon, talagang naging focused ako sa aking trabaho at pagpapaganda ng aking karera, at nangarap nang mas malalaki pang bagay sa hinaharap.  At ngayon, may posibilidad na iiwan ko na ang lugar na ito, na naging bahagi na ng aking buhay.  Ang mga punong yaon na wari bay bumabati at nagbibigay pugay sa akin tuwing akoy magdaraan doon dahil sa aming nabuong pagkakaibigan o koneksyon sa isa’t isa sa nagdaang maraming taon.

Malungkot man ang bawat pagpapaalam, kinakailangang tanggapin na ganyan talaga.  Wala naman talagang constant at hindi nagbabago sa mundong ito.  At sympre, nariyan ang anticipation na may mga bagong magagandang bagay, tao at karanasang naghihintay sa iyo.  At sa totoo lang, ang aking presensya lang naman ang nawala… Hindi nawala ang mga punong yaon, ang aking opisina, ang aking mga aklat at pelikula.  Naririto pa rin sila sa isang sulok ng aking puso bilang mga pinakatatangi-tanging alaala. 🙂

Nai-post sa Vocation Discernment | Tagged , , | 2 mga puna

Episode 3. Ang pabalik-balik kong pigsa

Malamang itatanong mo, ano ba ang kaugnayan ng pigsa sa aking discernment?  Bakit naman tayo napunta sa usapang pigsa?  Eto ikukuwento ko sa iyo.

Sa nakaraang dalawa o tatlong taon, napansin ko na kapag ako’y aalis at may pupuntahang malayong lugar o kinakailangang mawala sa bahay ng higit sa isang araw, palagi na lang may lumalabas na pigsa sa ilalim o likod ng aking kaliwang tenga.   Sari-sari nang paraan at lunas ang aking sinubukan para ito ay tuluyan nang gumaling at huwag nang magpabalikbalik.  Sympre ang first recourse ay hilisin (pisakin) para palabasin lahat ng mga nana (yucckkk!), pero walang epekto.  Eto eh nung magaatend ako ng kumperensya sa Bangkok.  Bumalik pa rin ito kahit talaga namang pihit ako sa sakit habang pinipisil ni utol ang pigsa upang mapalabas ang n***(Alam nyo na haha).  Sumunod, ipinaopera ko naman kay Dr. A., (chief ng surgery department ng isang malaking ospital dito sa amin).  Minor surgery ito at talagang medyo masakit rin at madugo ang procedure.  Eto naman eh nung pumunta ako sa isang “vocation seminar” pero wa epek pa rin.  Sumunod, nung ako’y pupunta naman sa Davao, eto na naman si makulit na pigsa at isang buong linggo ko syang tiniis.  Pinayuhang ipa-ultrasound ni Dr. B. bago irefer kay Dr. C.  Sa katagalan ng proseso ni Dr. B, inabot na rin ng putok ng sarili nya si pigsa dahil nabulbog yata nung inultrasound bago pa sumalang sa operasyon sa lamesa ni Dr. C. haha.  Pagkatapos, si Dr. D, ayaw operahin si pigsa niresetahan lang ako ng katakot-takot at banig-banig na anti-biotics at bactroban oinment. Nangyari naman ito nung ako’y pupunta sa Vigan. Gumaling naman si pigsa, pero bumalik pa rin.   Tapos ngayon na ako’y meron na naman pupunthan (paalis ako papuntang Negros sa darating na Martes) eh ayan na naman si istariray na pigsa at umeeksena na naman. haha.

Ano kaya ang mensaheng ipinararating sa akin ng paulit-ulit na pagbalik ng pigsang ito sa aking buhay (sa ilalim ng aking tenga, to be exact)? On  the pessimistic side, parang “sign” ito na huwag akong tumuloy sa aking bokasyon at wag iwan ang aking pamilya (mahal na mahal ko sila ih) in addition, ito rin ay indication ng mga trials and hardships that I will face, at dapat iendure because of the vocation I am intending to pursue (ayan, napaEnglish na ako ih).  Sabi nga sa bible “any one who wishes to become my disciple should carry his cross daily and follow me”  Parang metaphor lang ang mga pigsang ito ng mga hardships na kakaharapin ko sa pagpupursigi sa aking bokasyon (in literary terms, pwede rin itong foreshadowing; my vocation journey isn’t gonna be easy, not just a walk in the park). Pero sa isang banda, on the brighter and optimistic side, sa kabila ng mga trials at hardships, God continues to affirm that he will be with me in my rough and roller coaster ride-like journey towards priesthood.  Sabi ulit sa bible “Many are the afflictions of the righteous, but God delivers him from them all”  at talaga namang patuloy na pinaparamdam sa akin ng Diyos ang kanyang pagmamahal at paggabay sa akin.  Ipapasok ko ulit dito yung paborito kong quote sa bible na talagang nagpapalakas lagi sa akin “Be still and know that I am God”.  Salamat Lord, sa affirmation. 🙂

Nai-post sa Vocation Discernment | 1 Puna

Episode 2. Masarap maglakbay kung may baon kang Cheetos!

Kapag akoy naglalakbay (nagtatravel para sa mga sosyal haha) lalu na’t sa bus pabalik sa probinsya galing sa Maynila, kinaugalian ko nang bumili ng chichirya (di na mahalaga kung ano mang brand yan – pero cheetos talaga paborito ko – hehe).  Dahil sa kinakain kong cheetos, na sasabayan ko pa ng lag-ok ng paborito kong mountain dew o minute made (ung isang litro, repa) eh parang bumibilis at mas nagiging kaaya-aya ang biyahe (kahit di kaayaaya ang tanawin sa tabi o sa harap ko paminsan-minsan hehe).

Kagaya ng paborito kong chichiryang cheetos (panuorin mo muna ang commercial ng paborito kong chichirya kung may oras ka haha) at panulak na mountain dew, pinagagaan din ng kantang ‘to ang aking biyahe tungo sa paglilingkod kay katotong Kristo (nag-segue, haha).  Kinilabutan talaga ako (gapang sa buong kataw-an ko ih) nang una kong napakinggan at di ko talaga napigil ang pagpatak  ng luha sa mga mata ko (kasama na ang sipon na sympre sa ilong ko naman tumulo, alangan namang sa mata din hehe). Ganun din ang pelikulang may ganito ring pamagat (ang mga footage sa videong ito ay galing sa pelikulang iyon ni Marilou Diaz-Abaya starring Marvin Agustin).  Pinalakas lalo nito ang aking intensyon na maglingkod sa Kanya.  Sana maibigan mo rin ito.  At dahil nasabi ko na ang gusto kong sabihin, tatanungin naman kita ngayon kaibigan. Ikaw na kagaya kong naglalakbay (may reflection pa? haha) Ano ang “baon” mo sa biyahe?  Sana makatulong din ang “baon” kong ito sa iyong discernment.  🙂  God bless, repa.

P.S. pwede rin pala ito sa mga kumare, di lang sa mga kumpare ko. hihi.

Nai-post sa Vocation Discernment | Tagged , , , | 2 mga puna